-- Advertisements --

Tiniyak ng National Bureau of Investigation na hindi umano kasama ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr. ang kanyang kapwa mga akusado sa loob ng kulungan habang kinakaharap ang mga patung-patong na kaso.

Ito mismo ang kinumpirma ng kasalukuyang direktor ng kawanihan na si Retired Judge Jaime B. Santiago hinggil sa kung sino ang kasama ng dating kongresista habang nasa kanilang kustodiya.

Aniya’y bagama’t nasa iisang detention facility ang mga ito, kanya namang sineguro na magkakalayo ang mga akusado at walang pagkakataon na magkalapit o magkaroon ng ugnayan sa isa’t isa.

Si Arnolfo ‘Arnie’ Teves Jr., dating kongresista ng Negros Oriental ay kasalukuyang nasa National Bureau of Investigation Detention Facility Building 14 ng New Bilibid Prison sa lungsod ng Muntinlupa.

Kinakaharap nito ang mga kasong may kinalaman sa pagpatay, illegal possession of firearms, illegal possession of explosives at iba pa.

Maging ang sinapit ni former Negros Oriental Governor Roel Degamo noong nakaraan ay siya rin ang itinuturong mastermind sa likod ng pagpatay.

Samantala, hindi naman itinanggi ni Retired Judge Jaime B. Santiago na mayroong kakulangan sa kanilang pasilidad upang mapag-isa lamang sa loob ng kulungan ang dating kongresista.

Aniya’y taliwas umano ito sa kanyang unang nabanggit na planong mag-isa lamang si former Negros Oreintal Representive Teves Jr. sa kanyang piitan.

Ngunit sa kabila nito, pagtitiyak pa ng kasalukuyang direktor ng kawanihan na kanilang sineseguro ang kaligtasan sa buhay ng dating kongresista.

Kung saan naka-monitor umano sila ng 24 oras mapanitili lamang ligtas ang naturang akusado habang nasa kanilang pangangalaga.

Matatandaan na si former Congressman Arnie Teves Jr. ay sumalang na sa isinagawang arraignment ng kanyang mga kaso.

Kung saan pisikal nitong hinarap ang pagbasa ng sakdal sa illegal possession of firearms and explosives sa Manila Regional Trial Court Branch 12 kahapon, Hunyo 5, 2025.