-- Advertisements --
Wesley Barayuga PCSO

Posibleng pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa pagkamatay ng mataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Wesley Barayuga.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Philippines, kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sinabi nitong aatasan niya ang NBI na pumasok sa imbestigasyon kung kinakailangan.

Una rito, sinabi ni Mandaluyong City Police Office Chief Col. Hector Grijaldo Jr, makikipag-ugnayan daw sila sa NBI, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang law enforcement agencies para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa naturang insidente.

Noong Huwebes nang pagbabarilin ng nag-iisang gunman lulan ng motorsiklo ang biktima sa Calbayog Street corner Malinao Street sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong dakong alas-3:30 ng hapon.

Sa CCTV footage, makikitang biglang sumulpot ang lalaking naka-motorsiklo ng kulay asul sa kanang bahagi ng pick up na sasakyan.

Ang gunman ay naka-short pants lamang at naka-kulay itim na sweat shirt na may kulay pulang helmet.

Eksaktong nakahinto ang pick up na sasakyan nang tumapat ang suspek sabay bunot ng kanyang baril at pinaputukan ang salamin ng sasakyan sa backseat gamit ang kanang kamay.

Agad umabante ang gunman at inilipat ang baril sa kanyang kaliwang kamay saka ulit pinaputukan ng dalawang beses ang tapat ng passengers seat.

Makikitang sa pag-abante ng pick up ay nabangga pa nito ang isang kotse o sedan sa harapan nito.

Nakuha pang itago ng gunman ang kanyang baril sa harapang bahagi ng kanyang katawan sabay humarurot.