Tiniyak ng National Bureau of Investigation na magpapatuloy ang kanilang pagkakasa ng mga operasyon laban sa mga ‘counterfeit’ na produkto na tinatangkang ipasok at ibenta sa bansa.
Ginawa ng ahensya ang pahayag kasunod ng matagumpay na pagkakakumpiska nito sa pinaghihinalaang fake denim brand na nagkakahalaga ng aabot sa P47 million.
Ang naturang mga ‘counterfeit’ product ay nasakote ng mga otoridad sa isang shop sa lungsod ng Pasay.
Ayon sa NBI, nakuha nila ang nasa 15,814 piraso ng mga counterfeit products na mga pantalon na may iba’t-ibang tatak na kilalang brand.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrants for trademark infringement na paglabag sa Section 155 na may kaugnayan sa Section 170 ng Republic Act 8293 o mas kilala sa tawag na Intellectual Property Code of the Philippines.
Nabatid na naghain ng reklamo ang isang kilalang brand ng damit dahil sa pagkalat ng nasabing mga pekeng produkto.
Ayon kay NBI Director Jaime B. Santiago , hindi sila titigil sa paghahabol sa mga indibidwal o grupo na sangkot sa ganitong uri ng ilegal na aktibidad.