-- Advertisements --

Binatikos ni Former Bayan Muna Party-list Rep. Atty Neri Colmenares ang umano’y “bill shock” sa kuryente na nararanasan ng maraming Pilipino ngayong tag-init, at iginiit na hindi dapat ipinapasa sa consumers ang epekto ng paghina ng piso.

Ayon sa abogado, hindi makatarungan na sinasalo ng publiko ang foreign exchange risk mula sa mga “dollar-denominated” contracts ng mga power companies.

Kinuwestyon din niya ang 12% VAT sa system loss charge, na aniya’y pagbabayad para sa kuryenteng hindi naman nagamit—dulot umano ng inefficiency at illegal connections.

Tinuligsa rin ang mabagal na paglipat ng isang electric cooperative sa renewable energy, na nagiging dahilan umano kung bakit sensitibo ang singil sa galaw ng pandaigdigang presyo ng enerhiya.

Nanawagan ang grupo na gawing “peso-denominated” ang mga power supply agreements, alisin ang VAT sa system loss, at gumamit ng pondo ng gobyerno para subsidiya sa lifeline consumers upang mabawasan ang pasanin sa publiko. (report by Bombo Jai)