Itinanggi ng founder ng isang online media network na si Franco Mabanta ang umano’y pagkakasangkot niya sa tangkang robbery by extortion laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Maalalang noong Miyerkules naaresto si Mabanta ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation.
Sa inilabas na pahayag ng online media network, iginiit nitong inosente si Mabanta at ng kanyang grupo kung saan ang mga paratang umano ay may bahid ng pulitika. “Setup” din aniya ang pag-aresto sa founder ng network.
Ayon pa dito matagal na nilang inihahanda ang isang komprehensibong exposé laban kay Romualdez, kabilang na riyan ang isang 90-minutes video na umano’y naglalaman ng ebidensya ng katiwalian ng kongresista.
Samantala, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na naaresto si Mabanta kasama ang apat na iba pa sa isang entrapment operation kaugnay ng hinihinalang extortion scheme.
Ayon sa NBI, humihingi umano ang mga suspek ng hanggang P300 million kapalit ng hindi paglalabas ng mga video na makakasira sa nagrereklamo.
Sinabi rin ng ahensya na nagsimula ang umano’y negosasyon isang taon na ang nakakalipas at muling umusbong kamakailan, kung saan umano’y umabot na sa P350 million ang hinihinging halaga bago ito bumaba sa P300 million.
Inaasahang haharap ang mga naaresto sa kasong robbery by extortion at posibleng paglabag sa Cybercrime Prevention Act.
Patuloy namang hinihingi ng Bombo Radyo ang pahayag mula kay Rep. Romualdez kaugnay ng insidente.















