-- Advertisements --

Iginiit ni House Deputy Speaker at National Unity Party (NUP) chairperson Ronaldo Puno na papayagan ang bawat miyembro ng partido na malayang magpasya sa usapin ng impeachment ni Vice President Sara Duterte, nang walang pressure o obligasyong sumunod sa iisang posisyon.

Sinabi ni Puno na dapat gabayan ang bawat miyembro ng kanilang sariling paghatol, konsensya, at kapakanan ng mga mamamayang kanilang kinakatawan.

Aniya, ang impeachment ay isang prosesong konstitusyonal at hindi dapat gawing usaping pulitikal.

Dagdag pa niya, mahalagang mapanatili ang kalayaan at sariling pagpapasya ng bawat mambabatas.

Nagbabala naman ang NUP na kikilos ang partido kung may ipapataw na parusa sa sinumang miyembro dahil sa pagboto batay sa kanilang konsensya.

Noong Pebrero 25, sinabi ng NUP na malabong suportahan ng kanilang mga miyembro ang impeachment laban kay VP Sara dahil sa kakulangan ng bagong ebidensya.

Gayunman, iginiit ni Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor na nananatili ang kanyang paniniwala na may pananagutan ang bise presidente sa umano’y paglabag sa tiwala ng publiko.

Sa kabila nito, nilinaw ni Puno na pagbabatayan pa rin ng partido ang lakas ng ebidensya sa pagdedesisyon.

Aniya, nananatiling matatag ang suporta ng NUP sa administrasyon, kasabay ng pagtiyak na ang tungkulin ng bawat mambabatas ay ginagampanan nang may integridad at kalayaan.