Patuloy ang NBI sa paghahanap ng ebidensya sa dalawang condominium unit ng dating kongresistang si Zaldy Co sa Bonifacio Global City kaugnay ng umano’y bid-rigging sa flood control projects.
Kinumpirma ni NBI officer-in-charge Angelito Magno na nakakita sila ng dokumento, ngunit hindi pa matukoy kung magagamit ito bilang ebidensya. Maituturing aniya na confidential muna ang mga dokumentong nakita habang ‘di pa naibibigay sa korte.
Tatagal ang inspeksiyon ng 14 na araw, mula 8 a.m. hanggang 5 p.m., at naroroon ang korte at abogado ni Co. Aniya, maaari lamang siyasatin ang mga bagay na nakalantad; kung may vault, kailangan ng hiwalay na search warrant.
Ang condo ay itinuro ng whistleblower at dating district engineer bilang lugar kung saan dinala ang umano’y kickbacks mula sa flood-control projects.
Si Co, na iniuugnay sa anomalous flood relief projects, ay nasa labas ng bansa mula Hulyo. May arrest warrant na ang Sandiganbayan para sa kanya ngunit hindi pa siya nahuhuli. (REPORT BY BOMBO JAI)
















