-- Advertisements --

Hinimok ng National Bureau of Investigation (NBI) sina dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co at lahat ng iba pang kapwa akusado na sumuko na.

Sa isang pahayag, sinabi ni NBI Officer-in-charge Director Atty. Angelito Magno na habang nananatili pang opsyon at hindi consequence ang pagsuko, dapat na aniyang gawin ito ng mga akusado.

Aniya, buhay ang arrest warrants at kumikilos na aniya ang kanilang teams at ang pintuan para sa kanila ay mabilis na nagsasara.

Sinabi pa ng NBI official na sa batas, walang “later” kundi tanging pagsunod lamang o pagpilit.

Iginiit din ng opisyal na mas magaan ang proseso kapag ito ay kusang loob na ginawa subalit mas mabigat kapag hinabol na.

Kayat marapat na harapin na ngayon ng mga akusado ang warrant of arrest laban sa kanila.

Mas mainam aniyang harapin ang hustisiya kesa sa takbuhan ito.

Ginawa ng NBI chief ang paghikayat kina Co na sumuko na matapos ianunsiyo mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na mayroon nang inisyung warrant of arrest laban sa mga akusado sa maanomaliyang flood control projects.