-- Advertisements --

Tiniyak ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi magagamit ang kanilang ahensya para sa isang fishing expedition, kasabay ng paghamon kay dating Rep. Mike Defensor na maghain ng pormal na reklamo sa korte sa halip na idaan lamang sa mga pahayag ang alegasyon ng korapsyon mula sa 18 umano’y dating miyembro ng Philippine Marine Corps.

Sa isang panayam , ibinunyag ni NBI Director Melvin Matibag na mismong ang mga nagrereklamong dating sundalo ang umamin sa kanilang salaysay na wala silang personal o direktang transaksyon sa mga opisyal na inaakusahang tumanggap ng suhol.

Ayon kay Matibag, gumamit lamang umano ng isang conduit para sa mga nasabing transaksyon.

Iginiit naman ni Defensor na dapat pa ring imbestigahan ng NBI at ng Office of the Ombudsman ang mga paratang, sa kabila ng mga pagdududa sa kredibilidad ng mga nag-aakusa.

Inamin ng dating mambabatas na tinulungan niya ang mga dating sundalo, ngunit nilinaw niyang wala siyang kinalaman sa pagbuo ng kanilang mga sinumpaang salaysay.

Sumagot si Matibag at sinabing hindi niya papayagan o never allow ang NBI na magsagawa ng walang basehang imbestigasyon kung walang matibay na ebidensya.

Nag-ugat ang kontrobersya sa paratang ng 18 indibidwal na naghatid umano sila ng suhol sa mga matataas na opisyal ng gobyerno.

Ito ay may kaugnayan sa umano’y katiwalian sa flood control, impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, at ang kaso sa International Criminal Court (ICC) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw ng hepe ng NBI na hindi nila maaaring ipatawag agad ang mga inaakusahang personalidad nang walang sapat na balidasyon dahil nasa mga nagrereklamo ang burden of proof.

Gayunpaman, kinikilala niya ang obligasyon ng ahensya na imbestigahan ang kabuuan ng isyu gamit ang tamang proseso.