-- Advertisements --

Patay ang hepe ng NBI-Counter Terrorism Division na si Raoul Manguerra matapos barilin sa loob ng kanyang tanggapan sa headquarters ng ahensya sa Maynila.

Ito ang kinumpirma ni NBI spokesperson Deputy Director Ferdinand Lavin.

Batay sa ulat, nagtamo ng isang tama ng baril sa tagiliran si Manguerra at tumagos sa kabilang bahagi ng kanyang katawan. Pasado alas-11:30 kagabi nang isugod sa Manila Doctors Hospital ang opisyal, pero idineklarang dead on arrival pasado alas-12:00 ng hatinggabi.

Lima hanggang anim na persons of interest ang hawak ngayon ng mga otoridad kaugnay ng krimen.

Ayon sa Manila Police District, inako na ng NBI ang imbestigasyon sa pagpatay kay Manguerra. Kasalukuyang naka-lockdown ang Central office para sa imbestigasyon.

Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng NBI sa pamilya ng pinatay na opisyal.

“The NBI is in a deep state of mourning. We condole with the family, relatives and friends of Chief Manguerra,” batay sa statement ng ahensya.