Nakatakdang magsagawa ng pag-aaral ang Minnesota Timberwolves at Mayo Clinic research hospital sa Estados Unidos para madetermina kung ilang mga coach at players ng NBA ang naka-develop ng antobodies sa coronavirus.
Batay sa ulat, maaari ring makisali sa pag-aaral ang mga NBA executives at staff, at inaasahan ding makikibahagi ang lahat ng 30 koponan ng liga.
Ayon kay National Basketball Players Association executive director Michele Roberts, willing din daw ang mga players na magbigay ng antibody samples.
Layon ng kilalang pasilidad na masuri ang validity ng paggamit ng finger prick para makakuha ng dugo na gagamitin para sa antibody tests, na binabalak namang i-apply sa NBA.
Kasabay ng pagbubukas muli ng practice facilities ng mga teams, nais ng mga koponan na makakuha ng impormasyon tungkol sa pagpapababa ng tsansa na madapuan ng COVID-19 ang mga players at staff.
Inaasahang makukumpeto ang naturang antibody study sa susunod na buwan.