Hindi umano palulusutin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga “narco-generals” at “ninja cops” na patuloy na nagiging salot sa lipunan dahil sa iligal na droga.

-- Advertisement --

Babala ito ni Pangulong Duterte sa oathtaking ng mga bagong opisyal ng Kapisanan ng mga Broadkaster sa Pilipinas (KBP) sa Malacañang nitong Miyerkules ng gabi.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulong na bagama’t nabawasan na ang narco-generals maging ang sindikato ng ninja cops, wala umanong ibang pupuntahan ang mga ito kundi mamatay dahil sa kanilang kasalanan sa bayan.

“Yung mga generals pati yung ninja cops, they are s till around but I reduced to about apat na lang, and they will all die because may kasalanan sila sa bayan,” ani Pangulong Duterte.

Kapag hindi umano nito malinis ang lahat ng mga ito sa kanyang termino, wala pa ring kawala ang mga narco-generals at ninja cops dahil kahit sibilyan na siya, kapag nakita niya sila ay kanyang babarilin.

“Ngayon, kung hindi ko sila maabutan pag hindi na ako mayor, babarilin ko pa rin sila pag nakita ko. Same, whether I’m President or ordinary , pag nagkita tayo at alam kong galit ka sa akin dahil sa droga, eh magbabarilan talaga tayo,” dagdag ni Pangulong Duterte.