-- Advertisements --
ncrpo logo

Ipinatigil muna ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ginagawa nitong pagbisita sa mga private residence ng mga mamamahayag sa bansa.

Ito ay matapos na magpahayag ng pag-aalinlangan ang ilang mamamahayag dahil sa biglaang pagbisita ng ilang pulis sa kanilang mga tahanan.

Sa isang pahayag ay kinumpirma ni NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo na ang pagbisita na ito ng mga pulis sa mga pribadong tahanan ng mga journalist ay layunin na alamin ang mga posibleng banta laban sa media personnel.

Ito aniya ay upang matasa nila kung papaano maisasagawa ng kapulisan ang maayos na pagbibigay ng security assistance sa kanila.

Samantala, sa naturang pahayag ay humingi rin ng paumanhin si Estomo sa idinulot na pangamba ng kanilang hakbang sa ilang miyembro ng media.

Una rito, isang mamamahayag nagpahayag ng pangamba sa inisyatiba na ito ng kapulisan matapos na bumisita sa kaniyang private residence ang isang pulis na nagpakita ng I.D. pero hindi nakasuot ng uniporme upang tignan daw ang lagay ngmga journalist matapos ang nangyaring pamamaril sa beteranong mamamahayag na si Percy Lapid.

Sa ngayon ay kasalukuyan nang isinasailalim sa imbestigasyon ang naturang pulis hinggil sa nangyaring insidente.

Kung maaalala, una nang sinabi ni Philippine National Police chief, PGen. Rodolfo Azurin Jr. na handa silang magpaabot ng proteksyon at seguridad sa mga mamamahayag sa bansa laban sa posibleng mga banta at panganib na kakaharapin ng mga ito habang isinasagawa ang kanilang mga trabaho.