Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na nananatiling buo at mataas ang moralidad ng kanilang hanay sa kabila man ng mga panawagan na tumaliwas sa kasalukuyang administrasyon.
Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na wala pa namang opisyal, aktibo man o retrado ang personal na lumalapit na tauhan ng Pambansang Pulisya sa kaniya na nagpapahayag ng pagbawi ng suporta ng pulisya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Malinaw kasi aniya sa kanilang hanay na si Pangulong Marcos Jr. ay opisyal na nahalal ng mamamayang pilipino at wala aniya siyang nakikitang sapat na dahilan o basehan para sa panawagan na patalsikin ang Pangulo sa kaniyang pwesto o pagbawi man ng suporta sa kaniyang bilang lider ng bansa.
Sa kabila nito nanindigan din ni Nartatez na sa kabila ng mga panawagan na ito mananatiling tapat sa kanilanag serbisyo ang kanilang hanay at patuloy na gagawian kung ano ang nararapat.
Nang matanong naman kung kakasa pa ba sa isang loyalty check ang kanilang hanay, ani Nartatez, karaniwan na nila itong isinasagawa sa loob ng kanilang organisasyon kaya naman hindi na nakikitaan pa ng pangangailangan na sumailalim pa sa ganitong pagsususri ang kanilang buong organisasyon.
Muli rin niyang iginiit na ano pa ang magiging saysay ng loyalty check kung nananatili namang mataas ang kanilang moralidad at integridad at patuloy lamang silang tatalima sa mga utos ng Pangulo.
Samantala, patuloy namang naghahanda ang Pambansang Pulisya sa mga posibilidad na muling pagkakasa ng rally ng mga progresibong grupong nakibahaginsa nakaraang Trillion Peso March nitong Setyembre 21.
Ani Nartatez, patuloy silang magpapatupad ng maximum tolerance bagamat mayroong kaunting mga agbabago sa kanilang mga templates upang matiyak na maiiwasan ang mga pisikal na sakitan sa mga rally na ito.