DAVAO CITY – Hinihintay na lamang ng Municipal Health Office sa lungsod ng Laak, Davao de Oro, ang resulta mula sa mga water sample sa tangke na pinagmulan ng tubig ng mga residente sa dalawang purok sa Barangay Naga sa nasabing lungsod.
Ayon kay Dr. Julius Remolla, ang Laak Municipal Health Officer, nasa Department of Health na ang tubig para alamin kung ano ang dahilan ng diarrhea na ikinasawi ng tatlong residente at pagkaka-ospital ng 25 sa mga ito.
Dagdag pa ni Dr. Remolla na sa kasalukuyan, hindi na nadagdagan ang bilang ng mga namatay dahil sa severe dehydration na nagngangalang Teodoro Superales, 66; Roland Cordova, 32, at Marte Onnggao, 66, pawang residente ng Barangay Naga sa Laak, Davao de Oro.
Naglagay na rin ng water tank sa nasabing barangay na may laman na 2,000 liters ng tubig para may magamit sa gitna ng pansamantalang pagbawal sa paggamit ng water reservoir na pinaniniwalaang dahilan ng pagkakasakit ng mga residente.
Pinaniniwalaan kasi na nahaluan ng tubig baha ang tangke na siyang dahilan ng diarrhea.
Samantala, isinailalim na rin sa state of emergency ang barangay para magamit ang pondo nito sa mga biktima sa outbreak.