KALIBO, Aklan—Nababahala ang pamunuan ng Caticlan jetty port na posibleng makasama sa turismo ang mga nangyayaring unscheduled na power interruption sa Isla ng Boracay.
Ayon kay Esel Flores, administrator ng Caticlan jetty port, kahit na tuloy-tuloy umano ang kanilang operasyon sa tulong ng mga generator sets, subalit dahil dalawang araw na tumagal ang power outage ay nag-panic sila sa kakulangan ng diesel na gagamitin.
Kaparehong kalbaryo rin umano ang naranasan ng mga hotels at resorts owners sa isla na mistulang nasa loob ng barko dahil sa kaliwa’t-kanang ingay ng mga generator sets.
Ikinababahala na umano ng mga stakeholder ang problema sa biglaang pagkawala ng kuryente sa isla, lalo na’t kinikilala ang Boracay bilang pangunahing destinasyon sa bansa.
Maraming turista rin aniya ang nagpaabot ng nagreklamo gayundin ang mga drivers at operastors ng e-trike na siyang pangunahing transportasyon sa isla dahil sa kawalan ng kita matapos na matigil ang kanilang biyahe bunsod ng pangyayari.
Dagdag pa ni Flores na kasalukuyang binabantayan ng kaukulang ahensiya ng gobyerno ang naging epekto ng brownout sa mga turista at negosyante.
Samantala, dakong alas-2:55 ng hapon ng Lunes nang muling bumalik ang supply ng kuryente sa Boracay at Caticlan, dalawang araw matapos ang power outage na dulot ng pag-trip ng 69-kilovolt Nabas–Unidos link.
Na-delay ang pagkukumpuni dahil sa high tide.
Natukoy ng NGCP at AKELCO na ang dahilan ng pagkasira ay ang underground cables malapit sa Caticlan Airport.
Patuloy sa ngayon ang permanenteng pagkukumpuni, habang tinatapos ng NGCP ang Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Line Project na target matapos ngayong 2025.
Nagpasalamat naman ang Department of Enery sa mga residente, negosyante, at turista sa kanilang pasensya at kooperasyon.
















