-- Advertisements --

Iginiit ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan na wala siyang kaalaman sa umano’y naging dayalogo sa pagitan ng kanilang opisina at ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay taliwas sa naging naunang pahayag ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III sa naging pulong balitaan sa Kampo Krame ngayong araw.

Sa pahayag kasi ng hepe, inihayag nito na naresolba na ang isyu hinggil sa naging malawakang rigodon sa loob ng Pambansang Pulisya sa pamamagitan aniya ng isang dayalogo sa pagitan ng mga sangkot na ahensya.

Bagamat tumanggi muna si Calinisan na magbigay ng kaniyang pahayag hinggil sa usapin ay sinabi niya na maglalabas ang kanilang tanggapan ng kumpletong pahayag hinggil dito sa mga susunod na araw.

Magugunita naman na nagugat ang isyu na ito matapos na maglabas ng resolusyon ang NAPOLCOM na siyang naguutos na ibalik sa pagiging PNP Deputy Chief for Administrator si PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na siyang pinalitan ni PLtGen. Bernard Banac na siyang Area Police Command ng Western Mindanao.

Kasunod nito ay itinuturing naman na bilang closed book ng PNP ang usapin dito at tiniyak na patuloy na magtatrabaho para sa kanilang layunin at sinumpang mandato sa bayan.