-- Advertisements --

Sinuportahan ng National Police Commision (NAPOLCOM) sa pangunguna ni NAPOLCOM Vice Chairperson at Commissioner Atty. Rafael Calinisan ang implementasyon ng 8 hours working shift para sa mga pulis na siyang plano ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III.

Ayon sa komisyon, noon pa nila balak na ipatupad ang panunumbalik ng 8 hours working shift sa mga pulis kaya naman pabor talaga ang komisyon sa pagpapatupad nito at labis na nagalak din si Calinisan para sa inisyatibong ito.

Makikipagugnayan din aniya ang kanilang tanggapan kay Torre upang mabuo na ang resolusyon para sa implementasyon nito nang agad na ring maipatupad ang inisyatibong ito ng hepe.

Sinegundahan din ni Calinisan ang mga pahayag ni Torre na tao lamang ang mga pulis na ngangailangan rin ng pahinga at tamang tulog at binigyang diin na dapat mayroon din aniyang work-life-balance ang mga pulis.

Makakatulong din aniya ang implementasyon nito sa pagpapanatili ng isang malusog na pangangatawan ng mga pulis na siyang nangangailangn din ng sapat na pahinga.

Layon din nito na mabigyan din ang mga pulis ng oras sa kanilang mga pamilya bilang masyadong nasosobrahan sa oras ang mga pulis sa kanilang mga serbisyo.

Samantala, nauna naman na dito ay layon ni Torre na maiwasan na ang mga patulog-tulog sa oras ng trabaho kaya naman nakikita ng hepe na ibalik sa normal working hours ang duty ng kanilang hanay.

Labag din aniya sa labor code ang pagtatrabaho ng lagpas sa 40 oras kada linggo kung saan ilan naman sa mga pulis ay nagtatrabaho ng hindi bababa sa 72 oras kada linggo.