-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na tsismis lang ang napaulat na mayroon nang release order para sa convicted rapist at murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Ginawa ng Malacañang ang pahayag kasunod ng inihayag ng pamilya ni Sanchez na batay sa nakarating sa kanilang impormasyon ay nag-isyu na ang Bureau of Corrections (BuCor) ng release order para sa dating alkalde noon pang Agosto 20.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, pinoproseso ang dokumento ng lahat ng bilanggo na maaaring makinabang sa Good Conduct Time Allowance Law (GCTA) at posibleng mayroong nakakita sa pangalan ni Sanchez at inianunsyong kabilang ito sa mapagkakalooban ng early release.

Ayon pa kay Sec. Panelo, sarado na ang usapin kay Sanchez dahil malinaw na nakasaad sa batas na hindi sakop sa GCTA Law ang heinous crime gaya ng nagawa ng dating mayor.

Kung maaalala, si Sanchez ay nahatulan ng pitong counts ng reclusion perpetua kaugnay sa pagpatay at paggahasa kay University of the Philippines-Los Baños student Eileen Sarmenta at pagpatay din sa kasama nitong si Allan Gomez.

“Siguro tsismis na lang ‘yang may release order kasi ang talagang facts jan is lahat ng mga inmates na maco-cover siguro pino-process nila. Siguro somebody saw na nandoon ‘yung pangalan ni Sanchez kaya in-announce.. eh di ba si Faeldon ‘yung nag-announce noon. Pero, very clear ang law. ‘Yung mga opinion ng ibang abogado, mali ‘yun kasi sinasabi nila that provision applies only to that particular provision. Eh klaro ‘yung batas, nakalagay doon, not covered by this Act. Oh eh di sana by this provision ang sinabi. So pag may this Act eh di entire ‘yon,” ani Sec. Panelo.