KALIBO, Aklan – Muling nahalal bilang alkalde ng Malay, Aklan, si Ceciron Cawaling na nauna nang pinatalsik ng Ombudsman dahil sa umano’y pagpapabaya sa Boracay.

Panalo kasi si Cawaling matapos makakuha ng 16,277, mula sa kabuuang 40,913 na boto sa nasabing bayan.

Ang pinakamalapit niyang katunggali na dati rin Malay mayor na si John Yap ay may 12,620; habang si Ranara Rodgiet, negosyante na tubong Davao City ay may 1,200 na boto.

Samantala, ang pumalit na mayor kay Cawaling na si Abram Sualog ay natalo sa pagka-vice mayor kay Fromy Bautista na nakakuha ng 16,149 na boto laban sa 12,473 na boto ni Sualog.

Nabatid na noong Abril 24, 2019, ipinalabas ng Department of Interior and Local Government ang dismissal order laban kay Cawaling kasunod ng kanyang anim na buwang preventive suspension.