-- Advertisements --

Itinanggi ng Maharlika Investment Corporation (MIC), na namamahala sa kauna-unahang state wealth fund ng Pilipinas, ang ulat na nag-uugnay rito kay Patrick Mahony, isang British-Swiss na nahatulan sa Switzerland dahil sa pagkakasangkot niya sa fund corruption scandal ng Malaysia.

Base sa lumabas na report ng investigative news outlet na Sarawak, si Mahony umano ay nagbibigay ng payo sa mga opisyal ng Maharlika Investment Fund (MIF) at may opisina sa Makati.

Ngunit giit ng MIC, mali at mapanirang-puri ang ulat at hindi kailanman naging bahagi si Mahony ng kanilang operasyon.

Tiniyak ng MIC na ito ay mahigpit na sumusunod sa legal na mandato sa ilalim ng mga propesyonal na direktor at opisyal, at nanawagan sa media na beripikahin muna ang impormasyon bago maglathala ng ulat.

Kung babalikan, si Mahony ay nahatulan noong Agosto 2024 sa kasong fraud at money laundering kaugnay ng 1Malaysia Development Berhad (1MDB) scandal.

Ang Maharlika Investment Fund, na nilagdaan bilang batas noong Hulyo 2023, ay may ₱500 bilyong kapital mula sa state-owned banks at layong mamuhunan sa real estate, stock market, foreign currency, at imprastraktura. Una nitong investment ay 20% stake sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) noong Enero 2025.