Kinumpirma ng presidente at CEO ng Maharlika Investment Corporation na nagpasa na siya ng kaniyang courtesy resignation sa gitna ng nagpapatuloy na executive overhaul ng Marcos administration na pinalawig na rin hanggang sa mga pinuno ng mga korporasyong pinapatakbo ng gobyerno.
Sa isang statement, inihayag ni MIC chief Rafael Consing na buo ang kanilang suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa courtesy resignation ng mga pinuno ng government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Itinuturing din aniya nila ito bilang isang mahalaga at standard measure para sa paninindigan sa pananagutan at pagpapalakas pa ng pagseserbisyo sa publiko.
Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin aniya nila ang paggampan ng kanilang mga tungkulin hanggang sa aksyunan ng Office of the President ang kanilang courtesy resignation.
Ginawa ni Consing ang naturang hakbang matapos atasan ng Governance Commission for GOCCS ang lahat ng namumuno sa state-run firms na agad magsumite ng kanilang courtesy resignation sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.
Bilang tugon, agad ding nagsumite ang buong MIC Board of Directors ng kanilang courtesy resignation pagkatanggap ng memorandum mula sa komisyon.
Matatandaan, una ng naitatag ang MIC sa bisa ng Republic Act No. 11954 o Maharlika Investment Fund Act of 2023 matapos lagdaan ni Pangulong Marcos noong Hulyo 2023. Ang MIC ang namamahala sa kauna-unahan at kontrobersiyal na Maharlika Wealth Fund ng Pilipinas.