Inanunsyo ng Department of Justice na aabot sa higit 300-milyon Piso ang kabuuan halaga sa nakolekta o naiturn-over ng ‘restitution money’ mula sa maanomalyang flood control projects.
Ayon mismo kay Justice Secretary Fredderick A. Vida, ang sumatotal ng tinatawag na ‘recovery of people’s money’ o pagsasaoli ng nakamal na pondo ng bayan ay nasa P316, 381, 500 na.
Alinsunod aniya raw ito sa kasunduan sa pagitan ng kagawaran at mga napiling ‘state witnesses’ para sa kasong may kinalaman sa flood control.
Ibinahagi pa ng naturang kalihim na ang mga nakolektang ‘restitution money’ ay galing sa mga isinaoling pera ng apat na testigo ng estado.
Ito’y sina former Public Works Usec. Roberto Bernardo, Henry Alcantara, Gerard Opulencia at contractor na si Sally Santos.
Subalit, binigyang linaw ni Justice Sec. Vida na ang konsepto para maituring bilang ‘state witness’ sa kaso ay hindi lamang nakabase sa isasaoling pera.
Aniya’y bahagi ang proseso ng ‘recovery of people’s money’ o mas kilala sa tawag na ‘restitution of money’ sa mga kondisyon inilalatag sa ilalim ng Witness Protection Program.
Giit kasi ng kalihim na hindi maaring matapos mangulimbat ng pera ang isang indibidwal at magsaoli nito ay awtomatikong ‘absuelto’ na kagad sa kaso.
Kinumpirma naman ng Department of Justice na nagsaoli ng halagang P35-million si former DPWH Usec. Roberto Bernardo.
Ayon kay Justice Usec. Felix Ty, galing aniya ito sa ibinentang ari-arian ng dating opisyal na siyang ‘downpayment’ lamang raw.
Inaasahan kasi na sa oras makuha ang balanse sa naibentang ari-arian ay makapagsasaoli ng nasa 150-milyon piso si Bernardo alinsunod sa kasunduan.














