Iniulat ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group na halos nag-triple na ang bilang ng mga kaso ng cybercrime na kanilang naitala sa buong Metro Manila sa unang bahagi ng taong 2023.
Ito ang naitala ng Pambansang Pulisya ilang araw bago ang deadline ng SIM registration sa darating na July 25, 2023.
Sa datos, umabot sa 152% o 6,250 na mga kaso ang itinaas ng cybercrime sa National Capital Region sa unang bahagi ng taong 2023 kumpara sa 2,477 na una na nitong naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Paliwanag ni PNP-ACG Director PBGEN. Sydney Hernia, ang pagtaas na ito sa bilang ng mga cybercrime na kanilang naitatala ay bahagi ng worldwide trend na isa aniyang natural effect ng paggamit ng internet ng halos lahat ng mga tao ngayon sa buong mundo.
Kaugnay nito ay inihayag din ng naturang hanay ng kapulisan na halos pumalo na rin sa 200% ang itinaas ng SIM-aided crimes sa bansa na may katumbas na 4,104 na bilang para sa taong 2023.
Mas mataas din ito kung ikukumpara sa 1,415 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Kung maalala, Oktubre ng nakalipas na taon nilagdaan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsasabatas sa SIM Card Registration Act na layuning sugpuin ang text-based at online scams sa bansa, na inaasahan din na magreregulate sa bentahan at paggamit ng mga SIM card sa pamamagitan ng mandatory registration nito.