Nasa mahigit P700 million na ang halaga ng danyos sa agricultural commodities ang naitala matapos ang pananalasa ng bagyong Agaton.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), base sa pinakahuling typhoon bulletin, ang damage at losses sa agrikultura ng nagdaang bagyo ay nasa P703.3 million.
Sa ngayon, apektado ng naturang bagyo ang 11,666 na magsasaka at ang kanilang volume ng production loss ay 40,850 metric tons (MT).
Apektado rin ang 17,530 hectares ng agricultural areas sa Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga.
Kabilang naman sa mga apektadong commodities ang palay, mais, high value crops at livestock.
Pero ang naturang data ay subject pa rin daw sa validation.
Asahan daw na madaragdagan pa ang damages at losses sa mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang kanilang assessment.
Ayon sa DA, ang palay daw ang labis na naapektuhan ng naturang bagyo na mayroong total volume ng production loss na 39,478 MT na nagkakahalaga ng P660.6 million at 17,013 hectares ng agricultural areas ang apektado.
Ang mga high-value crops gaya ng gulay, cacao at prutas ang apektado rin at mayroong total volume loss na 491 MT at nagkakahalaga ng P21.5 million at 109 hectares ang apektado.
Nasa P21.1 million naman ang pinsala sa pananim na mais na mayroong volume na 881 MT at 408 hectares ang apektado.
Mayroon ding P48,100 na halaga ng production loss para sa livestocks na kinabibilangan ng 275 na manok, swine, duck at goat.