-- Advertisements --

Ipinaabot din ngayon ni Philippine Olympic Committee (POC) president at Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ang pakikiramay ng sports community sa pagpanaw ng tinaguriang sprint queen na si Lydia de Vega-Mercado.

Sa panayam ng Bombo Radyo, nagbigay tribute ang POC chief kay Diay, na napakahirap umanong tularan ng iba pang mga atleta kahit sa panahon ngayon.

lydia de vega 3
Sports icon Lydia de Vega-Mercado

Aniya, noong 17-anyos pa lamang si De Vega ay iniaalay na niya ang panahon at buhay para sa sports.

Kinilala rin ni Tolentino ang napakalaking naiambag na tinawag niyang “sports icon at legend” na humakot ng siyam na gold medals sa SEA Games, dalawang gold medals sa ASEAN Games at maraming kompetisyon pa at maging sa world athletics.

Kung maalala noong 2019 SEA Games sa Pilipinas ay doon lamang nabasag ang record ni De Vega na inabot din ng 33 taon bago nalampasan ng Fil-Am athlete na si Kristina Knott.

Ayon pa sa POC president, isa aniyang magandang inspirasyon at halimbawa si De Vega na mula sa isang simpleng pamilya pero naiangat ang buhay at pangalan dahil sa pagpupursige at labis na didikasyon sa kanyang piniling larangan.

Isa rin daw halimbawa si Lydia na walang kinikilala ang sakit kahit nagmula pa ito sa malakas na pangangatawan na pinagdaanan.

Umaasa na lamang ito na maging inspirasyon pa rin si De Vega ng mga kabataan sa panahon ngayon lalo na sa sports community.

“Nakikiramay tayo at napakalungkot para sa sports community ang pagnapanaw ng ating icon, legend. Napakalaki ng kanyang naiambag kung saan 17-years old pa lamang ay she dedicated na ang mga laban para sa ating bansa, sa ating mamamayan,” ani Rep. Tolentino sa Bombo Radyo. “Hindi na matutularan ang kanyang pangalan na ibinigay sa bansa.”

Noong nakaratay pa sa banig ng karamdaman sa ospital si De Vega ay nag-turnover si Tolentino ng financial assistance mula sa POC at sa kanyang personal ding tulong na ipinaabot sa pamamagitan ng anak ng dating Asia’s fastest woman na si Steph Mercado de Koenigswarter.