-- Advertisements --

CEBU – Naging matagumpay ang motorcade procession sa imahe ng Banal na Bata na si Sr. Sto. Niño kabilang na ang Jubilee Cross sa lansangan ng mahigit 10 barangay sa lungsod ng Cebu kahapon.

Ito’y kaugnay sa selebrasyon ng ika-500 Years of Christianity sa Pilipinas.

Inilarawan ni Cebu City Councilor Philip Zafra na maayos ang naging kooperasyon ng publiko sa naturang aktibidad at tiniyak ng bawat isa na nasunod ang health and safety protocols laban sa coronavirus.

Binigyang diin ng konsehal na bahagi ng pananampalataya ang naturang aktibidad sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Umaasa ang opisyal na matatapos na ang krisis na dulot ng coronavirus sa pamamagitan na rin ng tulong ng Poong Maykapal.

Humingi naman ng pag-intindi si Zafra mula sa publiko dahil limitado lang ang makakasaksi sa aktibidad ngayong Abril 14 ang highlight ng selebrasyon ng 500 Years of Christianity in the Philippines. Gayunpaman, hinihikayat pa rin nito ang publiko na panoorin ang mga kaganapan ng selebrasyon sa pamamagitan ng live streaming platform.

Samantala, umaapaw naman ang paniniwalang Kristiyanismo matapos bininyagan ang nasa 100 mga bata bilang Katoliko sa loob ng Archdiocesian Shrine of Our Lady of Guadalupe, sa lungsod ng Cebu.

Malaki ang pasasalamat ni Cebu Archbishop Jose Palma sa publiko kaugnay sa mapayapa at matiwasay na aktibidad.