
Humirit ang kampo ni Rappler CEO Maria Ressa at dating Rappler researcher-writer Reynaldo Santos kaugnay sa naging hatol sa kanila ng korte sa Maynila sa kasong cyber libel.
Ngayong araw ay naghain na ng kanilang “motion for partial reconsideration” sina Ressa Santos.
Base sa 132 na pahinang mosyon sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46, umapela sina Ressa at Santos kay Judge Rainelsa Estacio-Montesa na muling ikunsidera ang hatol.
Ang naturang mosyon ay ipinadala ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa pamamagitan ng email kahapon, Hunyo 29 dahil sarado pa ang Manila RTC na nasa ilalim ng lockdown.
Sa naturang mosyon, may 13 argumento at nakasaad na ilang “errors” umano ang naging hatol na “guilty” ni Judge Montesa na inilabas noong June 15.
Kabilang na rito ang usapin kung “public figure” ba ang nagsampa ng kaso na si Wilfredo Keng.
Sa argumento ng kampo nina Ressa, isang private complainant umano si Keng.
Matatandaan na nagsampa ng kaso si Keng makaraang idawit sa iligal na droga, human trafficking at murder.
Isa pa ang isyu ng “republication” dahil unang nalathala ang istorya kay Keng noong May 2012 at inupdate noong Februarg 2014, para may maitamang typo.
Sa mosyon, binanggit na nabigo umano si Montesa na magbigay ng reference na sumusuporta na ang isang “update” ay republication ng isang article.
Ang iba pang kinukuwestiyon sa hatol ng hukom ay ang usapin ng prescription period of libel at iba pa.
Nahaharap sina Ressa at Santos sa pagkakakulong na mula 6 na buwan hanggang isang taon, at pinagbabayad din ng kabuuang P400,000 danyos.
Pero nakapaglagak na ng piyansa si Ressa kaya pansamantala siyang malaya.















