-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando ang inilabas na Wage Order No. 28 ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ayon sa mambabatas, mas lalo lamang nitong pinakomplikado ang usapin ng wage hike para sa mga minimum wage earner sa National Capital Region (NCR).

Paliwanag ni San Fernando, tila “rollback” at lugi para sa mga manggagawa ang bagong direktiba kumpara sa naunang Wage Order No. 27. Sa ilalim kasi ng naunang order, naaprubahan na ang kabuuang P85 dagdag-sahod na ibibigay sa dalawang tranche P60 simula Hulyo at P25 naman sa Enero. Ngunit sa halip na ipaglaban ang naunang probisyon, pinalitan aniya ito ng DOLE ng Wage Order No. 28 na nagbibigay lamang ng P60 bagay na nag-aalis sa natitirang P25 at nagkakait sa back pay o naantalang sahod ng mga Manggagawa mula pa noong Hulyo.

Pinalagan din ni San Fernando ang katuwiran ng DOLE na “hindi naging ganap” o “walang legal na epekto” ang naunang wage order. Giit niya, awtomatikong nagkaroon ng bisa ang order 15 araw matapos itong isapubliko ng ahensya, at naantala lamang dahil nga sa injunction order ng Pasig Regional Trial Court (RTC)

Bukod dito, kwinestiyon din ng mambabatas ang pahayag ng DOLE-NCR na nagkaroon ng public hearing kasama ang mga manggagawa sa rehiyon. Aniya, ang pampublikong pagdinig ay isang mandatory process sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o Wage Rationalization Act at ng Omnibus Rules on Minimum Wage Determination.

Hinamon niya si DOLE-NCR Regional Director Atty. Roy L. Buenafe na isapubliko ang minutes of the meeting noong Setyembre 2 ng sinasabing meeting upang mapatunayan ang sinasabing konsultasyon at maipabatid sa publiko ang mga totoong hakbang ng ahensya.

Iginiit ni San Fernando na patuloy na nilalabag ng DOLE ang batas dahil malinaw sa RA 6727 na ang Wage Board lamang ang may eksklusibong kapangyarihan sa usapin ng umento sa sahod, at hindi ang alinmang korte. Dagdag niya pa ang ahensya na lamang umano ang naniniwala na hindi ito pwedeng isakatuparan bagay na kinondena ng mambabatas dahil aniya ang ahensya ang dapat na mas ipaglaban ang mga mangagawang Pilipino.