Nagpadala na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng tatlong disaster response teams sa Masbate, ang pinakamatinding sinalanta ng nagdaang bagyong Opong.
Ayon kay MMDA chairman Romado Artes, binubuo ang ipinadalang tatlong humanitarian assistance and disaster relief ng 35 personnel mula sa Public Safety Division, Metro Parkways Clearing Group at Road Emergency Group.
Naatasan ang mga ito na mabilis na mabigyan ng tulong ang mga apektadong komunidad sa probinsiya ng Masbate at magbigay ng kinakailangang assistance para matulungan silang makarekober at muling makapagsimula.
Ayon pa sa MMDA official, ang unang grupo ang magbibigay ng malinis na tubig sa mga apektadong komunidad gamit ang water purification systems, ang ikalawang grupo naman ay tutulong sa road clearing operations at ang ikatlong team ay magbibigay ng medical assistance.
Nag-deploy din ang ahensiya ng dalawang military trucks at isang ambulansiya nang may kumpletong crew.