Nakatakdang magsagawa ng dry run sa expanded number coding scheme ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong araw.
Ito ay bilang bahagi pa rin paghahanda ng kagawaran sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa bansa para sa school year 2022-2023 sa susunod na linggo.
Ayon kay MMDA Task Force Special Operations chief Bong Nebrija, magkakaroon ng window hour sa ilalim ng naturang expanded number coding scheme upang mas mapaluwag pa ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ipapatupad ito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga, at mula alas-5 ng hapon naman hanggang alas-8 ng gabi.
Hindi naman kasali sa naturang alituntunin ang mga public utility vehicles (PUV), transport network vehicle services (TNVS), garbage at fuel trucks, motorsiklo, at mga sasakyang nagdedeliver ng essential goods.
Batay kasi sa ulat na inilabas ng ahensya, simula sa Agosto 22 ay inaasahang papalo sa 426,000 hanggang 430,000 ang average number ng mga motoristang babaybay sa kahabaan ng EDSA.
Mas mataas ito kumpara sa 405,000 na mga sasakyang naitala ng MMDA na dumadaan sa EDSA noong pre-pandemic period.
Samantala, bukod dito ay nakatakda rin na magsagawa ng clearing operations ang MMDA sa mga kalsadang patungo at malapit sa mga paaralan upang matiyak naman na walang magiging sagabal sa trapiko para sa mga mag-aaral.
Habang nasa 581 traffic enforcers naman ang nakatakdang ideploy sa pagsisimula ng klase para naman mag-assist sa 146 na mga paaralan sa buong Metro Manila.