PNP La Union
PNP La Union

LA UNION – Patay sa pamamaril ang isang mister sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Parian, San Fernando City, La Union

Nakilala ang biktima na si Rino Sabado.

Base sa salaysay ng hindi pa kinilalang kinakasama ng biktima, kasalukuyan silang kumakain ng hapunan ng biglang pumasok ang salarin sabay baril kay Sabado.

Apat na tama ng bala mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril ang tumapos sa buhay ng biktima.

Samantala, sa isinagawang follow up operation ng mga kawani ng San Fernando City Police ay napatay din ng mga pulis ang hindi pa kilalang suspek matapos umano itong magtangkang magpasabog ng granada sa kahabaan ng national highway sa Barangay Sevilla sa lungsod.

Sinasabing love triangle ang dahil ng paglusob ng suspek sa tahanan ng biktima.

Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya.