-- Advertisements --

Opisyal nang itinalaga bilang bagong chief executive officer ng Miss Universe Organization (MUO) si Mario Búcaro.

Si Búcaro ay ang dating vice president for international relations ng MUO. Isa rin siyang diplomat at public servant, na nagsilbi bilang Ambassador ng Guatemala sa Israel, Mexico, Bulgaria at Cyprus. Kamakailan lamang din ay nanungkulan siya bilang Minister of Foreign Affairs ng Guatemala.

Ang pagkakatalaga kay Búcaro ay ilang linggo na lamang bago ang inaabangang pagsisimula ng prestihiyosong Miss Universe 2025 pagenat na gaganapin sa Nobiyembre 21 sa Bangkok, Thailand.

Base sa MUO, magpopokus ang liderato ng bagong CEO sa pagpapalakas pa ng international collaborations, pagpapalawak pa ng presensiya ng organisasyon sa Americas, Europe, Asia, Carribean at sa Africa at ang pagpapaunlad pa ng mga karanasan ng Miss Universe candidates kalakip ng pagpapatibay ng integridad at pagiging patas.

Papalitan ni Búcaro ang Thai media tycoon na si Anne Jakrajutatip bilang CEO matapos siyang magbitiw noong June 20 kasunod ng isinagawang reorganisasyon sa board of directors sa Thai Media company na JKN Global Group.

Sa isang statement, nagpaabot ng taus-pusong pasasalamat ang organisasyon sa Thai entrepreneur para sa kaniyang “visionary leadership” at dedikasyon, na lubos na nagpahusay pa sa pandaigdigang presensiya ng MUO at commitment nito para sa pagkakaiba at pagbubuklod.

Ang mga nagawa aniya ni Jakrajutatip para sa organisasyon ay nag-iwan ng pangmatagalang legasiya na magpapatuloy para magbigay ng inspirasyon sa misyon ng organisasyon ngayong kaniya ng pagtutuunan ng pokus ang kaniyang pamilya.