Naglabas ng arrest warrant ang South Bangkok Criminal Court laban kay Anne Jakrajutatip, dating co-owner ng Miss Universe, matapos niyang hindi dumalo sa nakatakdang pagbasa ng kanyang kaso sa umano’y 30 million baht fraud.
Ayon sa korte, walang ibinigay na paliwanag ang kampo ni Jakrajutatip, kaya’t pinaniniwalaang umiwas siya sa proseso ng batas.
Kinasuhan si Anne at ang JKN Global Group dahil sa umano’y panlilinlang upang mahikayat ang isang doktor na mag-invest sa corporate bonds na hindi naman umano kayang bayaran ng kumpanya.
Dahil sa hindi niya pagdalo, iniutos ng korte ang pagbawi sa piyansa ni Jakrajutatip at itinakda ang bagong petsa ng kanyang verdict hearing sa Disyembre 26, 2025.
Samantala, lumabas ang ulat na tumakas na umano sa Mexico si Jakrajutatip upang iwasan ang mga obligasyon ng JKN.
Itinanggi naman ng JKN Global ang mga paratang ng pandaraya at iginiit na ang problema sa mga utang ng kumpanya ay dulot ng paghina ng ekonomiya ng bansa at isyu sa cash flow.
Matatandaan na si Anne ay naging laman ng atensyon ng publiko matapos niyang bilhin ang Miss Universe Organization noong 2023, ngunit bumaba bilang CEO noong Hunyo habang humaharap ang kanyang kompanya sa reorganization at mga legal issues.
















