CAUAYAN CITY – Kasabay ng pagpapasinaya sa kauna-unahang Molecular Laboratory ng Philippine Red Cross (PRC) sa Isabela, ipinaabot na rin ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo ang tulong para sa mga naapektuhan ng malawakang pagbaha sa lalawigan.
Personal na iniabot ni Mateo ang kanyang tulong kay Governor Rodito Albano ng Isabela na nataon pa sa kanyang 24th birthday kahapon.
Ayon sa half Indian beauty na tubong Iloilo, malaking hamon sa sambayanang Pilipino ang taong 2020 lalo na sa Isabela dahil bukod sa banta ng Coronavirus Disease (COVID) ay naranasan ang malawakang pagbaha na dulot ng Bagyong Ulysses.
Mas kailangan aniya ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa upang mapagtagumpayan ang pagbangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.
Hiling niya na magpatuloy ang pagtulong sa mga mamamayan na lubhang sinalanta ng pagbaha.
Samantala, binati ni Mateo ang PRC sa pagbubukas ng kauna-unahang Molecular Laboratory sa lsabela dahil isa itong paraan upang malabanan ang deadly COVID.
Matapos nito, tumulong din ang beauty queen sa pamamahagi ng mga ayuda sa Sipay, Lunsod ng Ilagan.