CAGAYAN DE ORO CITY – Hahabulin pa rin sa kinauukulang mga ahensiya ng gobyerno ang may-ari ng cargo ship na biglang lumubog at nagdulot ng malawakang pagtagas ng langis sa dalampasigan ng ilang mga barangay sa bayan ng Jasaan,Misamis Oriental.
Ito ay kahit kontrolado na ang paggalaw ng mga langis na aabot pa sa ibang bahagi ng probinsya mula sa MV Tower One dahil madaling naagapan ng Philippine Coast Guard 10 at ilang ahensiya ng gobyerno noong naganap ang paglubog habang hinihintay ang salvage operation sa Barangay Lower Jasaan sa nakaraang Semana Santa.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni PCG 10 spokesperson Ensign Jirech Ybañez na bagamat nasa apat ng barangay ang napasok ng langis subalit maliit na lamang ang tsansa na makapagdulot pa ito ng pinsala sa mga buhay na makikita sa dagat at mismong pamumuhay ng mga residente sa lugar.
Inihayag ni Ybañez na nakakausap na rin ng ahensiya ang hindi muna pinangalanan na may-ari ng barko at nangako na handa umanong sasagutin ang maaaring obligasyon ukol sa pangyayari.
Dagdag ng opisyal na batay sa kanilang manual scooping na naisagawa ay nakalikom sila ng 21 gramo ng oily water mixture at pitong pack ng oily debris mula sa loob ng kabarangayan ng Lower Jasaan,Luz Banzon,Kimaya at Solana na inabutan sa tagas ng langis simula Abril 4 hanggang sa araw na ito.