CAGAYAN DE ORO CITY – Humugot ng inspirasyon mula kay Hungarian world chess champion Judith Polgar ang gold medalist ng elementary girls ng Misamis Oriental na si Mary Janelle Tan.
Ito ang paglalahad ng kanyang ama na si Brandly Tan na nasa likod paghubog ng angking kakayahan at abilidad ng anak na pangatlong pagkakataon nang kumakatawan para sa Northern Mindanao Regional Athletics Association kung saan nakakuha ng mga medalya na kinabilangan ng tatlong gold at silver sa mga nakaraang Palarong Pambansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sobra ang paghanga nila ng kanyang maybahay na si Pamela Tan dahil naipakita at naipatupad ng kanilang anak ang mga pinagtiyagaan trainings sa katatapo lamang na Palarong Pambansa sa Laoag City,Ilocos Norte nitong linggo.
Tinukoy ng ama ang nakuha na gold medal ng anak sa chess-blitz event individual sa elementary girl category kung saan pabilisan ang mga galaw para makuha ang panalo sa loob ng limitadong oras.
Sinabi ni Ginoong Tan na maraming aklat ni Polgar ang binasa at inaral ng kanilang anak maliban sa domestic strategies na ginawa nila sa mga pag-eensayo bago ang Palarong Pambansa 2025.
Bagamat hindi na nagulat ang mag-asawa sa angking abilidad ng anak na inilarawan nila na aggressive type player dahil maging ang nakakatandang kapatid nito na si Mary Joy Tan ay produkto rin ng Palarong Pambansa kung saan umaabot sa international tournaments habang nasa elementarya at hayskul pa bago nakuha na chess varsity ng Far Easter University.
Magugunitang ang mag-asawang Brandly at Pamela ay pawang mayroong angking galing rin sa larong chess subalit kailanman ay hindi nakasali ng anumang tournament at Palarong Pambansa kaya buhos ang kanilang suporta sa kanilang dalawang mga anak-babae.