-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Pormal nang tinapos ang Palarong Pambansa 2026 sa pangunguna ni Department of Education o DepEd Secretary Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara, kasama ang mga matataas na opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur na pinamumunuan nina Governor Santiago Cane Jr., Vice Governor Patricia Anne Plaza, at mga Congressman Alfelito “Alfie” Bascug at Eddiebong Plaza.

Ang closing ceremonies na isinagawa sa Datu Lipus Makapandong Cultural Center ay sinimulan sa pagtitipon ng mga atleta pasado alas-dos ng hapon, kasunod ang unity parade na tumagal ng 30 minuto, pagkatapos ay isinagawa ang cultural program, awarding, at finale performances.

Hindi rin nawala ang tradisyunal na seremonya gaya ng pagbaba ng bandila ng Pilipinas, kasama ang Department of Education at Palarong Pambansa, at ang pagpatay sa Unity Cauldron.

Ginawaran ng parangal ang mga koponang nagpakita ng mataas na antas ng performance, partikular ang Top 5 regions na pasok sa detal tally.

Muli namang idineklara bilang overall champion sa loob ng 19 na taon ang National Capital Region (NCR) matapos manguna sa final and official overall medal tally.

Sumunod ang Region IV-A o CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), at pumangatlo ang Region XI o Davao Region na sinundan ng Region VII o Central Visayas at panglima ang Region VI o Western Visayas at pang-anim ang host province.

Tinanggap na rin ni Quezon City Mayor Maria Josefina ‘Joy’ Tanya Belmonte ang banner upang maging sunod na host para sa Palarong Pambansa 2027.

Naging finale ang grand unity dance na may pamagat na “We Rise As One: The Ultimate Palaro Dream” na tampok ang mga lokal na artista, opisyal, at mga delegado.