Pormal nang nagtapos ang 2026 Palarong Pambansa nitong Linggo, Mayo 31, sa Datu Lipus Makapandong Cultural Center, na nagbigay-wakas sa isang linggong paligsahan ng mga student-athletes mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa closing ceremony ng ika-66 na edisyon ng Palarong Pambansa, sinimulan ang programa sa pagtipon ng mga atleta, kasunod ang unity parade at isang opening production number.
Sinundan ito ng iba’t ibang tradisyunal na seremonya kabilang ang pagbaba ng watawat ng Pilipinas, Department of Education, at Palarong Pambansa, pati na rin ang pagpatay ng apoy sa Unity Cauldron.
Inanunsyo rin sa pagtatapos ng programa ang mga nagwagi sa elementary at secondary divisions, kabilang ang overall champion, Para Games winners, Top Five Performing Schools Division Offices, at Most Bemedalled Athlete.
Kabilang sa mga pinarangalan ang gold medalist na si Breanna Aaliyah Erno dahil sa kanyang natatanging performance sa swimming.
Ang Quezon City, sa pamumuno ni Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte, ang napiling host ng susunod na edisyon ng Palarong Pambansa.
Nagtapos ang programa sa pagbibigay ng mga plaque of appreciation, closing prayer, at grand unity dance finale na pinamagatang “We Rise As One: The Ultimate Palaro Dream,” na nilahukan ng mga lokal na artista, opisyal, at delegasyon.
Ang Palarong Pambansa 2026 ay idinaos sa Agusan del Sur mula Mayo 24 hanggang 31, na dinaluhan ng libo-libong atleta, coaches, at delegasyon mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
















