BUTUAN CITY – Matapos ang halos 12-oras na biyahe mula sa Davao City, tuluyan nang nasa evacuation center at gymnasium ng Talacogon, Agusan del Sur ang bangkay ni late basketball standout at pride ng Agusan del Sur na si Rene Clert Baterbonia.
Sa kabila na dumating ito pasado ala-una kaninang madaling araw, matiyagang nag-abang sa pagdating ng kanyang funeral convoy ang kanyang mga kaibigan, mga supporters, at mga kababayang Agsurnons upang pagbigay ng kanilang final respect kasama na ang mga panalangin at gratitude para sa legacy na kanyang iniwan.
Nakatakda na rin ang public viewing sa bangkay ni Bobet na magsisimula ngayong ala-una ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi hanggang sa ito’y ililibing sa Hunyo a-23.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Ateneo de Davao University Senior High School basketball coach Jess Evangelio, na kaibigan DIN ng yumaong si Rene, isa umano itong natatanging atleta hindi lamang dahil sa kanyang tangkad at abilidad sa paglalaro ng basketball kundi higit sa lahat sa kanyang mabuting ugali at pagiging mapagpakumbaba kung kaya’t binansagan niya itong “one of one, walang katulad” dahil rin sa kanyang willingness to win, at pagiging humble na nanatili kahit sa nakamit nitong malalaking tagumpay.
Ayon kay Evangelio, mula Grade 11 hanggang Grade 12, nakita niya ang matinding determinasyon ni Rene na hindi magpatalo at ang kanyang kabutihang-loob na naging susi sa malalaking tagumpay niya sa basketball.
Una umanong nadiskubre ang kakayahan ni Rene sa Governors Cup sa Agusan del Sur nanaging daan na kinuha siya ng Ateneo dahil nakita nila kay Rene ang missing piece ng team — isang manlalaro na hindi lang mahilig sa basketball kundi masipag din sa pag-aaral.
















