CAGAYAN DE ORO CITY – Boluntaryong sumuko sa himpilan ng pulisya ang isang matanda matapos mapatay nito ang kanyang asawa sa Baungon, Bukidnon.

Kinilala ang suspek na si Jimmy Galarrita, 70-anyos na residente sa naturang lugar.

Ayon sa suspek, hindi niya intensyon na patayin ang kanyang misis na si Myrna Galarpe, 67-anyos, at nasaktan lamang niya ito dahil sa pagkalasinggera.

Aniya, lagi niyang pinipigilang uminom ng alak ang kanyang misis dahil hindi na ito kumakain ng maayos sa tuwing nalalasing.

Dagdag pa nito na aksidente niyang nasampal lang ang asawa ngunit tumama sa semento ang ulo na nagresulta sa pagkamatay.

Naging emosyal si Galarrita na humingi ng kapatawaran sa Panginoon at sa kanyang mga anak hinggil sa nagawang krimen.