-- Advertisements --
dr raquel fortun
Dr. Raquel Fortun, forensic pathologist

Nakitaan umano ng history ng asphyxia mula sa “plastic bag suffocation” ang nasawing New Bilibid Prison (NBP) inmate na si Cristito “Jun” Villamor na umano’y middleman sa kasong pagpaslang kay Percy Lapid.

Ayon sa isinagawang pangalawang autopsy ni Dr. Raquel Fortun, isang forensic pathologist, sinabi nito na kabilang sa kanyang findings ay ang “plastic bag suffocation” o ang paggamit ng plastic bag sa ulo na naging dahilan para hindi makahinga ang naturang inmate.

Sa naganap na pagpupulong humarap din si Justice Secretary Remulla kasama si Dr. Fortun at inihayag ang resulta ng nasabing autopsy.

“The autopsy findings showed no gross morphologic cause of death and this is consistent with the reported asphyxia,” ani Dr. Fortun sa kanyang report. “Based on available information regarding the circumstances surrounding death, the manner is homicide.”

Dagdag dito, sinabi naman ni Remulla na pinagplanuhan umano ang pagkamatay ng naturang tinaguriang middleman na si Villamor.

Kung maaalala, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Dominic Clavano IV na humiling pa ng isa pang araw o hanggang nitong Sabado, ika-29 ng Oktubre si Dr. Fortun na magsagawa ng ikalawang autopsy upang makumpleto daw ang kanyang ulat ukol sa resulta.

Kaugnay niyan, lumabas sa unang autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na may heart hemorrhage umano kaya nasawi si Villamor at walang palatandaan ng anumang physical injuries sa kanyang katawan.

dr fortun autopsy

Kaya naman, hiniling ni Sec. Remulla kay Dr. Fortun na magsagawa ng pangalawang autopsy batay na rin sa kahilingan ng pamilya ni Percy o Percival Mabasa.

Tinukoy naman sa report ni Fortun na merong impormasyon na ibinigay si Villamor na bago ito namatay ay natatakot siya sa kanyang buhay sa loob ng NBP.

Una rito, sinabi pa ni Remulla na may pitong tao ang nasa ilalim ng kanilang kustodiya na iniimbestigahan na posibleng may kinalaman umano sa pagkamatay ni Villamor. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)