Opisyal nang naiproklama ang mga Senador na nanalo sa May 12 national and local elections ngayong araw ng Sabado, May 17.
Pinangunahan ng Commission on Elections ang proklamasyon sa 12 Senador ngunit hindi nakasipot si Sen. Kiko Pangilinan dahil sa pagdalo niya sa graduation ng kaniyang anak sa Amerika.
Sa ginanap na seremoniya, bawat Senador ay binigyan ng pagkakataon upang makapagbigay ng ilang minutong mensahe.
Samantala, pinuri rin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang magandang turnout sa naturang halalan. Ayon kay Garcia, ang turnout na umabot sa mahigit 82% ay maituturing na pinakamalaking turnout sa kasaysayan ng bansa.
Pinasalamatan din ni Garcia ang mga kabataang botante sa kanilang pakiki-lahok at aktibong partisipasyon sa naganap na halalan.
Giit ng Comelec chair na makapangyarihan ang suportang ipinakita ng mga kabataan lalo na at malaking porsyento ang kanilang bilang, malaking salik upang idikta kung sino ang mga susunod na lider ng bansa.
Muli rin tiniyak ni Garcia na naging maayos at malinis ang kabuuan ng halalan. Ito ay sa kabila ng pagdududa ng ilan sa paglutang ng ibat-ibang isyu tulad ng overvotes, at iba pa.
Bagaman hindi aniya perpekto ang 2025 elections, natutuwa ang opisyal na sa kabuuan at naidaos ang eleksiyon nang walang major issue o malalaking problema.
Sa pagtatapos ng mensahe ng Comelec Chairman bago ang pormal na proklamasyon, nag-iwan ito ng apela sa mga Senador para sa ikaka-reporma at pagpapabuti sa mga susunod na halalan.