Hinikayat ng mga opisyal ng Barangay Doña Imelda, Quezon City ang mga residente na nakatira sa mga lugar na madaling bahain na lumikas na sa evacuation center ng barangay sa nagpapatuloy na pananalasa ng Super Typhoon Uwan sa Metro Manila.
Ayon kay Punong Barangay Ma. Ganda Yap, mas maigi na maagang lumikas ang mga tao upang maiwasan ang aksidente at panganib sa kasagsagan ng bagyo.
Batay sa alas-3 ng hapong tala ng barangay, mayroong 166 pamilya o 630 indibidwal na naka-evacuate, kabilang ang mga matatanda, buntis, bata, at PWD.
Kasabay nito nakapag bigay narin ang barangay ng pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, at iba pang tulong.
Tiniyak din ni Yap na patuloy na tumatanggap ang barangay ng mga nais lumikas. May karagdagang suporta rin aniya mula sa Quezon City Government para sa tubig, pagkain, at extra tent.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo sa mga residente na nasa evacuation center ng barangay, ibinahagi ni Wilfredo Alcala, 67, na lumikas kasama ang kanyang asawa, apo at kapatid ay dahil sa panganib ng baha, habang nag-aalala para sa anak na naiwan sa bahay.
Ayon sa asawa niyang si Myrna Alcala, minabuti nilang lumikas dahilan sa matatanda na sila bagama’t may tatlong palapag ang bahay ay mas minabuti niyang lumikas para sa kanilang kaligtasan. Kasama pa ng pamilya ang isang apo nito na ayon kay Myrna ay wala nang mga magulang.
Sa kabila nito nanatili namang bukas ang tatlong evacuation center sa barangay tulad ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office, Gymnasium, at Covered Court, upang tanggapin ang mga evacuee sa lugar.
Sa tala naman ng PAGASA, inaasahang tatama sa kalupaan ng Aurora ang Super Typhoon Uwan mamayang gabi o sa madaling araw ng Lunes, Nobyembre 10, at tatawid sa kabundukan ng Hilagang Luzon, kung saan unti-unti itong hihina ngunit mananatiling bagyo.
















