-- Advertisements --

Isiniwalat ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ngayong Lunes na tumutugma sa mga rekord ng mga pumanaw na indibidwal at mga bata ang ilang nakatanggap ng confidential funds ng OVP at DepEd.

Inilahad ni PSA Assistant National Statistician Marizza Grande na kabilang sa mga lumabas na pumirma sa acknowledgment receipts si Marlin Sunga na pumanaw noong 1965 sa edad na dalawang buwan pa lamang, pati na sina Emilio Sagan at Fortunato Salig na mahigit limang taon nang patay noong 2022.

Batay rin sa opisyal na beripikasyon ng PSA, natuklasang nasa 20 menor de edad sa listahan ng OVP at limang bata sa DepEd ang ginamit na pampublikong pangalan, kabilang ang mga sanggol na may edad isa hanggang tatlong taong gulang pa lamang nang diumano’y makatanggap ng P200,000 hanggang P400,000.

Binigyang-diin din ng testigo na walang anumang pambansang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan sa Civil Registry System ang mga kakaibang pangalan sa listahan katulad nina “Arthur Baon,” Beverly Claire Pampano, at Charles Sampaloc Jr.

Nilinaw naman ni Senate Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na bagaman may naitatalang kaparehong pangalan na pumanaw na sa rekord ng PSA, kinakailangan pa ring patunayan kung ang mga ito rin ba ang mismong indibidwal na tinutukoy sa mga resibo.

Iginiit ng House prosecution panel na ang naturang testimonya ay patunay na inilikida ang milyun-milyong pampublikong pondo gamit ang mga pangalang gawa-gawa lamang, matagal nang patay, o mga sanggol pa noong 2022 at 2023.