Iniulat ng Embahada ng Pilipinas sa Warsaw na ligtas at accounted ang lahat ng Pilipino sa Ukraine kasunod ng panibagong missile at drone strikes ng Russia sa Kyiv na kumitil sa apat na buhay at ikinasugat ng humigit-kumulang 100 katao.
Simula nitong nakaraang weekend, patuloy na sinusubaybayan na ng embahada ang kalagayan ng maliliit na komunidad ng mga Pilipino na nasa Kyiv at nasa iba pang lungsod sa Ukraine.
Una rito, naglunsad ang Russia ng magkakasunod na pag-atake gabi ng Sabado, Mayo 23, gamit ang mga drone at hypersonic Oreshnik intermediate-range ballistic missile.
Winasak ng mga ito ang dose-dosenang kabahayan, paaralan, pamilihan, at isang museo sa Kyiv. Kinumpirma naman ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na hindi naharang ng kanilang air defense ang lahat ng ballistic missile, na ang karamihan ay sadyang itinarget sa kabisera.
Ayon naman sa Russian Defense Ministry, ang pag-atake ay ganti sa umano’y pambobomba ng Ukraine sa mga sibilyang pasilidad sa loob ng Russia, isang paratang na mariing itinanggi naman ng panig ng Ukraine.
















