CAUAYAN CITY – Patuloy na pinag-iingat ng pamunuan ng Ilagan City District Jail ang mga person’s deprived of liberty (PDL) kontra COVID-19 pangunahin na ang mga lumalabas upang dumalo sa pagdinig sa kanilang kaso.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Jail Inspector Virgilio Navarro, sinabi niya na dahil hindi maiiwasan ang paglabas ng ilang PDL ay patuloy ang kanilang paghihigpit sa pagpapatupad ng mga health protocols.

Bukod dito ay sumasailalim din ang mga PDL sa disinfection bago pumasok sa loob at sasailalim sa isolation ng ilang araw bago pahintulutang makihalubilo sa kapwa nilang bilanggo.

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang paglaganap ng virus lalo na at ang BJMP Region 2 na lamang ang nananatiling COVID-19 free sa mga Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa buong bansa.

Kaugnay nito ay patuloy din ang mga sport activity, pagpapa-araw at morning exercises ng kanilang mga PDL upang matiyak na malakas ang kanilang resistensiya.