Iginiit ni Senador JV Ejercito na kailangang tanggalin ang mga naging pabigat sa administrasyong Marcos at nagsayang sa tiwalang ibinigay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pahayag ni Ejercito ay makaraang ipag-utos ni Pangulong Marcos ang courtesy resignation sa kanyang cabinet members na layuning i-recalibrate ang kanyang administrasyon matapos ang May 2025 election.
Dagdag pa ng senador, dapat ipagpatuloy ng pangulo, ang paglilinis sa kanyang mga gabinete.
Panahon na aniya upang pumili ng mga pinunong may tunay na pang-unawa sa kalagayan ng bayan at maglilingkod nang may agarang aksyon at hindi palusot.
Tatlong taon na aniya ang lumipas at ang taumbayan ay naghahanap na ng tunay na resulta at aksyon.
Giit nito, hindi na makakahintay ang mga Pilipino na dumaranas ng kahirapan at kumakalam ang sikmura.
Panahon na aniya para isipin kung ano ang makabubuti sa bayan at hindi ang pansariling interes.