-- Advertisements --

Nagbigay na ng abiso ang Department of Education (DepEd) sa maagang pagtatapos ng school year 2019-2020 dahil na rin sa epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa 10 pahinang DepEd Memorandum No. 42 na pirmado ni DepEd Sec. Leonor Briones, ang mga paaralan na sakop ng class suspensions ay hindi na dapat magsagawa ng examination sa fourth quarter.

Ang mga karagdagan namang academic requirements ay dapat nang maging homework.

Base sa DepEd Order No. 7 series of 2019, na may title na School Calendar for School Year 2019-2020, ang prescribed na fourth quarter examination ay sa Marso 12 at 13 para sa graduating levels ng Grades 6 at 12.

Ang fourht quarter examination naman sa iba pang grade levels ay naka-schedule sa Marso 19 at 20.

Ang Marso 16 hanggang 20 ay designated bilang examination week sa lahat ng DepEd schools pero dahil sa social distancing protocols ng Department of Health (DoH), dapat ay isagawa ng DepEd ang examination sa pamamagitan ng staggered basis at papasok lamang ang mga estudyante sa kanilang mga examination schedules.

Sa mga paaralan namang suspendido na ang klase mula pa noong nakaraang linggo gaya dito sa Metro Manila at iba pang lugar na nagsuspindi na ng mga klase, hindi na umano isasagawa dito ang fourth quarter examination.

Mayroon nang grading formula dito ang DepEd para sa computation ng final grade ng mga estudyante.

Hindi rin nire-require ng DepEd na pumasok pa ang mga guro sa NCR at iba pang lugar na nagsuspindi ng klase maliban na lamang kapag ipapatawag ang mga ito ng Schools Division Superintendent para sa learner-related matters.