Bahagyang humina ang Typhoon Francisco habang patuloy itong mabagal na kumikilos sa silangang bahagi ng karagatan ng extreme northern Luzon, ayon sa pinakahuling Tropical Cyclone Bulletin ng Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) na inilabas alas-2 ng madaling araw ngayong Miyerkules.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 275 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras.
Ayon sa state weather bureau, inaasahang mananatili pa ang bagyo sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang Biyernes habang unti-unti itong bumabagal at kumikilos pahilagang-silangan.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa buong Batanes, Babuyan Islands, at sa hilagang-silangang bahagi ng Cagayan kabilang ang mga bayan ng Gonzaga at Santa Ana.
Bagama’t inaasahang unti-unting humihina ang Typhoon Francisco habang kumikilos palayo sa bansa inaasahang lalabas ito ng PAR sa Biyernes, June 26.
Samantala, inaasahang papasok sa PAR ang namataang Tropical Storm na may international name na ”Higos.” Tatawagin itong Bagyong Gardo kapag nakapasok ng PAR.
Patuloy ring nakaaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat na magdadala ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa malaking bahagi ng bansa sa mga susunod na araw.















